Home NATIONWIDE Bebot tiklo sa investment scam sa pagpapanggap na taga-DSWD

Bebot tiklo sa investment scam sa pagpapanggap na taga-DSWD

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang babae sa Ermita, Manila sa pagpapanggap bilang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at paggamit ng mga pekeng dokumento para mangolekta ng libo-libong piso para sa investment.

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang suspek sa entrapment operation matapos nitong kumbinsihin ang undercover agent na mag-invest ng P1 milyon sa kanya umanong business venture.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nilalapitan ng suspek ang mga indibidwal at grupo para mag-solicit ng pera at sinasabing siya ay may kontrata sa DSWD para sa feeding program.

Nagpipresenta umano siya ng mga dokumento kabilang ang DSWD Notice of Award, para kumbinsihin ang mga investor na ang proyekto ay lehitimo.

Sa kabila nito ay natukoy ng DSWD na ang dokumentong nakuha ng NBI ay hindi totoo.

Maaari umanong kinopya ng suspek ang lehitimong mga dokumento at binago ang mga detalye ng kontrata para magmukha itong bahagi ng programa ng DSWD.

Dahil dito ay nagbabala sa publiko si DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao na beripikahin ang mga indibidwal o grupo na nagpapakilalang mula sa ahensya lalo na ang mga nagso-solicit ng pera gamit ang pangalan o dokumento.

Ang suspek ay nahaharap sa reklamong falsification of public documents at estafa.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng NBI para matukoy kung may iba pang indibidwal ang sangkot sa scam. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here