Home HOME BANNER STORY P1,200 daily minimum wage sa buong Pinas, sigaw ng mga manggagawa sa...

P1,200 daily minimum wage sa buong Pinas, sigaw ng mga manggagawa sa Labor Day

MANILA, Philippines – Bantay-sarado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang kahabaan ng Recto Avenue, Legarda, at Mendiola dahil sa pagdagsa ng mga rallyista mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ngayong pagdiriwang ng Labor Day o Mayo Uno.

Kaliwa’t kanang kilos-protesta ang isinagawa ng mga grupo upang ipahayag ang kanilang mga hinaing kaugnay ng patuloy na kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, kaguluhan sa bansa, at mga isyu sa kalusugan at edukasyon.

Sa Mendiola, nagtipon ang iba’t ibang grupo ng manggagawa tulad ng Kilusang Mayo Uno at grupong Bayan para ipanawagan ang taas-sahod sa P1,200 arawang minimum wage sa buong Pilipinas at maayos na kapakanan ng mga manggagawa.

Ilang mga kalsada naman ang pansamantalang isinara upang hindi makalapit sa Mendiola ang mga raliyista, bilang bahagi ng security plan na inilatag ng MPD upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod.

Giit ng pamunuan ng MPD, malaya ang mga mamamayan na magpahayag ng saloobin, ngunit hindi pinapayagan ang pagsasagawa ng programa sa Mendiola. Sa halip, itinalaga ang Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda bilang mga lugar para sa mga pagtitipon.

Sa ngayon, patuloy ang mahigpit na pagbabantay at monitoring ng MPD habang nagpapatuloy ang programa ng iba’t ibang grupo sa Recto Avenue, sa tapat ng University of the East.
(Ulat ni Jocelyn Tabangcura-Domenden)