LAGUNA, Philippines – Inaresto ng mga anti-narcotics operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang wanted na drug personality at ang kasama nito sa pagpapatupad ng Warrant of Arrest noong Agosto 12, 2025.
Sa pagtutulungan ng PDEA Regional Office-National Capital Region Northern District Office at PDEA Regional Office IV-A Laguna Provincial Office, kasama ang mga miyembro ng Laguna Provincial Police Office, Police Drug Enforcement Unit, inihain ang warrant laban kay Abedin Salikaya Kendayo, 30 taong gulang, residente ng Sultan Sabarongis, Maguindanao del Sur, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay San Antonio II, San Pablo City, Laguna.
Arestado din ang kasamahan ni Kendayo na si alyas “Rene”, 30 taong gulang mula sa Cotabato, Maguindanao del Norte.
Nakumpiska sa operasyon ang 20 gold packs na may label na “Guanyinwang” na naglalaman ng humigit-kumulang 20 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride, o shabu, na nagkakahalaga ng PhP 136 milyon, isang beige Nissan Navara, isang identification card, at dalawang cellphone.
Si Kendayo, na mayroong standing Warrant of Arrest for possession of dangerous drugs, at alyas “Rene”, ay kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan ng iligal na droga na kumakalat sa NCR.
“The operation is a product of continuous tracking of our previous operations and arrests of members of major drug trafficking organizations. PDEA will continue to pursue a sustained and relentless campaign against targeted individuals like Kendayo and alias “Rene” who reportedly are big-time suppliers of shabu in Metro Manila and nearby provinces”, saad ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R Nerez.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. DANNY QUERUBIN