Home NATIONWIDE P137-M pekeng produkto, naharang ng BOC

P137-M pekeng produkto, naharang ng BOC

74
0

MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P136.9 milyong halaga ng misdeclared na produktong agrikultural at mga pekeng at regulated na kalakal mula sa 25 container van sa Port of Manila, habang tinutukoy ang mga nasa likod ng shipment.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, nagmula sa China ang kargamento at dumating noong Nobyembre at Disyembre 2025, at idineklara bilang plastic racks ng isang construction supplies trading company.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 7,251 sako ng refined sugar at glutinous rice, 11,348 kahon ng sapatos at bagahe, 3,144 kahon ng ukay-ukay, 82 drum ng calcium carbonate, at iba pang hardware items.

Sinabi ni Nepomuceno na sasampahan ng kaso ang consignee dahil sa paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Customs Modernization and Tariff Act.

“Hindi tayo papayag na ‘yung mga tauhan lang ang masasampahan ng kaso sa korte. Hindi ‘to titigil kung driver or helper lang ‘yung ating laging nahahabol. Sa tulong ng NBI, mas malamang matukoy natin [kung] sino ang nasa likod, financier o protektor ng ganitong pagpupuslit ng mga bawal o hindi tamang pagpapasok ng imported items,” ani Nepomuceno.

Ayon pa sa kanya, pinag-aaralan ng BOC ang opsyon na i-auction o i-donate ang mga nakumpiskang produkto at hindi isasailalim sa destruction, lalo na ang mga produktong agrikultural.

Sinabi naman ni Port of Manila District Collector Rizalino Torralba na hiniling na nila sa Bureau of Plant Industry at Sugar Regulatory Administration na suriin kung ligtas pa para sa konsumo ang mga bigas at asukal.

“Dun sa mga bigas at asukal, nagpa-test na po tayo sa SRA at BPI kung ito po ay fit for human consumption. Ngayon po, pag-aaralan natin ang mode of disposal nito,” ani Torralba. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here