ZAMBOANGA CITY — Umabot sa P147.29 milyon ang kabuuang halaga ng hinihinalang smuggled diesel fuel, sigarilyo at mga sasakyang-pandagat na nasabat ng Philippine Navy sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Western Mindanao.
Ayon kay Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., commander ng Naval Command Western Mindanao (NCWM), isang unmarked motorboat ang naharang noong Agosto 22 sa karagatang sakop ng Barangay Labuan, Zamboanga City.
Natagpuan umano sa sasakyang-pandagat ang undocumented diesel fuel. Tinatayang P52.27 milyon ang halaga ng fuel at ng bangka.
Dalawang araw matapos nito, noong Agosto 24, hinarang naman ng NCWM ang M/B Jiboy sa karagatan ng Pangasinan Island, Sulu.
Nasamsam umano rito ang 611 master cases at 37 reams ng foreign-brand cigarettes, kasama ang sasakyang-pandagat, na may tinatayang kabuuang halaga na P95.01 milyon.
Dahil dito, umabot sa P147.29 milyon ang pinagsamang halaga ng mga sasakyang-pandagat at hinihinalang kontrabando mula sa dalawang operasyon.
Isinailalim ang mga nasabat na produkto at sasakyang-pandagat sa kustodiya ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga para sa kaukulang imbestigasyon at legal na disposisyon.
Sinabi ni Reyes na ipagpapatuloy ng NCWM ang maritime security operations upang hadlangan ang smuggling at paggamit sa karagatan ng Western Mindanao para sa ilegal na kalakalan.
Patuloy namang pinaigting ng Bureau of Customs ang kampanya laban sa illicit cigarette trade sa bansa. Sa mga naunang operasyon sa Zamboanga, nakipagtulungan din ang Philippine Navy sa BOC sa pagharang at pagkumpiska ng mga undocumented na sigarilyo. Mary Ann Sapico