Home NATIONWIDE P15,000 taunang subsidy para sa STEM freshmen, inilunsad ng GSIS

P15,000 taunang subsidy para sa STEM freshmen, inilunsad ng GSIS

2
0

MANILA, Philippines – Ilulunsad ng Government Service Insurance System (GSIS) ang isang subsidy program na magbibigay ng ₱15,000 kada taon sa mga kwalipikadong incoming college freshmen na kukuha ng kursong may kaugnayan sa science, technology, engineering, and mathematics (STEM).

Ayon sa GSIS, maaaring makinabang sa programa ang mga first-time college freshmen na nagtapos ng senior high school na may hindi bababa sa 90 porsiyentong general weighted average at nakapag-enroll sa mga kinikilalang STEM degree program.

Ang subsidy ay para lamang sa mga anak ng aktibong miyembro ng GSIS na may permanenteng trabaho, nasa Salary Grade 15 pababa, at may updated na premium contributions sa nakalipas na tatlong buwan.

May kabuuang 1,000 slot na ilalaan sa buong bansa, kung saan 20 porsiyento ay nakalaan para sa mga aplikanteng kabilang sa special sectors gaya ng Indigenous Peoples (IPs), solo parent families, persons with disabilities (PWDs), at iba pang kwalipikadong grupo.

“Through the GSIS Subsidy for STEM Program, GSIS reaffirms its commitment to helping provide quality education opportunities and empowering more Filipino learners to succeed in fields that drive innovation and national development,” ayon sa GSIS.

Sinabi ni GSIS President and General Manager Wick Veloso na layunin ng programa na makatulong sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga siyentipiko, inhinyero, teknolohista at innovator ng bansa.

“Katulad ng Pangulo, naniniwala ang GSIS na ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang puhunan para sa kinabukasan ng ating bansa,” ani Veloso.

Magsasagawa rin ang GSIS ng nationwide orientation para sa mga coordinator upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here