MANILA, Philippines- Pinangunahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagsira sa mga ismagel na sigarilyo na nagkakahalaga ng P156 milyon sa Northern Mindanao.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng nationwide crackdown laban sa tax evasion at binibigyang diin ang kanilang pangako sa pagpapatupad ng mga batas sa buwis.
Nabatid na dumalo sa nasabing kaganapan ang mga matataas na opisyal ng BIR at mga concerned line agencies ng gobyerno.
Ayon sa BIR, nakumpiska ang mga kontrabando mula Enero hanggang unang bahagi ng Marso sa pamamagitan ng buong suporta ng Police Regional Office-10 sa pangunguna ni Police Brig. Gen. Jaysen C. de Guzman.
Nabatid kay PRO 10-Regional Public Information Office (RPIO) chief Police Major Joanne G. Navarro, narekober ng mga pulis ang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P6.8 milyon sa Barangay Piraka, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte noong Miyerkules, Marso 19. JR Reyes