MANILA, Philippines- Bagsak sa kulungan ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng baril at shabu nang tangkaing takasan ang sumitang mga pulis sa Caloocan City.
Sa ulat, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals sa Bulacan St., Brgy. 67 nang parahin nila ang dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklong walang plaka dahil sa kahina-hinalang pag-uugali.
Tumutugma din ang mga ito sa napaulat kamakailan na insidente ng pang-iistorbo sa Brgy. 9. Subalit, sa halip na sumunod ay nagtangkang tumakas ang mga suspek kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner at maaresto.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek na edad 26, construction worker ng Malabon City at 23-anyos, dishwasher, ang isang caliber .22 revolver, isang pistol replica at dalawang plastic sachets na naglalaman ng 12.3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P83,640.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 151 of the Revised Penal Code (Disobedience to a Person in Authority), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Batas Pambansa 881, at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Merly Duero