MANILA, Philippines — Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang P15 milyong halaga ng substandard na sigarilyo at inaresto ang tatlong suspek sa isinagawang entrapment operation sa Malalag, Davao del Sur.
Kinilala ni CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III ang mga suspek na sina Christian, Ibrahim, at Rodel, na nahuling nagbababa ng 600 master cases ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo mula sa isang motorized boat papunta sa dalawang naghihintay na van sa Barangay Baybay. Nasamsam din ang isang closed van, isang wing van truck, at isang bangka na may kabuuang halagang P6 milyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law, dahil sa pagbebenta ng sigarilyong walang wastong health warning labels.
Nanawagan si Torre sa publiko na ireport ang anumang ilegal na aktibidad at tiniyak ang patuloy na pagpapatupad ng batas ng CIDG. Santi Celario