MANILA, Philippines – Patay ang isang 33-anyos na rider ng ride-hailing app nang masagasaan ng isang dump truck sa Roxas Boulevard nitong Huwebes, Marso 6.
Maswerte namang nakaligtas ang sakay nitong pasahero na isang lalaking Chinese na nagawang makatalon para makaiwas sa aksidente.
Matinding tama naman sa katawan ang tinamo ng biktima na nagulungan ng kasunod na truck na may kargang buhangin.
Ayon kay Mhex Morales, binabaybay niya ang southbound lane ng Roxas Bouleverd sakay ng minamanehong Toyota Avanza nang may kumalabog sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan.
Dito na lamang nalaman na bumangga na pala ang biktima sa kanyang asakyan na posible umanong nawalan ng balanse kaya natumba sa kalsada.
Tyiempo namang dumaraan ang truck sa lugar kaya nasagasaan ang biktima na nagresulta ng kanyang agarang pagkamatay.
Nasa kustodiya na ng Manila Traffic Enforcement Unit ang driver ng truck para sa nagpapatuloy na imbestigasyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)