Home METRO Sa kabila ng ‘mababang’ crime rate, 2 babae ninakawan, ginahasa pa

Sa kabila ng ‘mababang’ crime rate, 2 babae ninakawan, ginahasa pa

MANILA, Philippines – Mas mababa na raw ang insidente ng karumal-dumal na krimen ngayon, ayon sa Malakanyang, kumpara sa nakaraang administrasyon.

Habang may ganitong pagkukumpara ang tagapagsalita ng Palasyo, dalawang babae ang naging biktima ng panghoholdap at panggagahasa ng mga salarin sa dalawang magkahiwalay na insidente kamakailan lang.

Sa Lucena, Quezon, ninakawan ang isang 22-anyos at ginahasa pa siya ng kawatang manyakis sa harap ng dalawa pang babaeng kasama sa isang apartment sa Barangay 9 dito noong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, isang hindi pa kilalang lalaki na nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, face mask at armado ng kutsilyo ang pumasok sa silid ng biktima sa ikatlong palapag.

Ang biktima na may kasama pang dalawang babae na may edad 18 at 23 ay tinangay ng tatlong smartphone, alahas, at laptop na may kabuuang halaga na P118,000.

Binusalan at iginapos ng suspek ang mga biktima, gamit ang sintas ng sapatos.

Dalawa sa babae ang nanlaban na ikinagalit ng suspek nang lamasin niya ang dibdib ng mga ito.

Bumaling ang atensyon ng suspek sa biktima at ito ang kanyang ginahasa sa harap ng dalawang kasamang babae.

Nakatakas ang suspek dala ang kanyang ninakaw at inireport ng mga biktima sa pulisya ang insidente.

Nagsasagawa na ng manhunt at follow-up operations ang pulisya.

Sa Calamba, Laguna, hinoldap at ginahasa ang isang 21-anyos na single mother ng isang lalaki na sakay ng motorsiklo na sinasabing dati nang nag-aabang ng mga babaeng mabibiktima.

Ayon sa ulat, ang biktima na isang kahera sa isang supermarket sa Barangay Sira Lupa , Calamba City ay papasok sa trabaho at naglalakad nang sinundan siya ng suspek na nakamotorsiklo at agad tinutukan ng baril.

Kinuha sa biktima ang cellphone, wallet at ATM card.

Pilit na isinakay sa motorsiklo ang biktima at dinala sa magubat na bahagi kung saan naganap ang panggagahasa.

“Sinakay po niya ako sa motor, tapos kinaladkad po niya ako papuntang gubat. Huwag daw po ako magpapasaway sa kaniya hindi raw niya po ako papatayin. Nagmamakaawa na po ako,” sabi ng biktima.

Ibinalik siya ng suspek sa lugar kung saan siya kinuha at nang wala na ang lalaki at dito na humingi ng tulong ang biktima.

Makalipas ang ilang oras, nag-chat ang suspek sa biktima na gusto pa umano nitong makipagkita.

Agad nagkasa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta para maaresto ang suspek.

“Sabi niya makikipag-meet up daw po siya sa akin, magmo-motel daw po kami dahil hindi daw po siya satisfied sa ginawa niya. Kapag hindi daw ako pumunta papatayin daw po niya anak ko,“ sabi ng biktima.

Ayon sa Calamba City Police, may apat nang babae ang naunang nagreklamo sa barangay dahil sa isang lalaking nakamotorsiklo na gumagala at nanghihipo.

Tumugma ang hitsura nito sa naarestong suspek sa panggagahasa sa single mother.

Natuklasan din ng mga awtoridad na dati ng nakulong ang suspek sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Sangkot din ang suspek sa pagnanakaw ng mga motorsiklo.
Hindi naman itinanggi ng suspek ang panghoholdup at panggagahasa sa biktima na single mother.

Nakapiit na ang suspek sa Calamba City Police Station na nahaharap sa kasong robbery with rape. RNT