NAKAKUMPISKA ng mahigit P197 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group’s Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit – AFCCU at Bureau of Internal Revenue sa magkahiwalay na operasyong ginawa sa Quezon at Caloocan City.
Ang nasabing mga operasyon ay dahil sa direktiba ni Philippine National Police Chief P/Dir. Gen. Rommel Marbil na paigtingin ang pagpuksa sa mga bawal at smuggled na mga sigarilyo na malaki ang epekto sa ekonomiya.
Bitbit ang BIR Mission Orders, ang mga operatiba ng CIDG-AFCCU kasama ang mga tauhan ng BIR personnel, unang isinagawa ang pagsalakay sa isang bodega sa No. 61 Balingasa Street, Balintawak, Quezon City, na sinuportahan din ng mga tropa ng Quezon City Police District.
Nahuli rito ang isang Chinese at dalawang Filipinong sangkot sa iligal na operasyon.
Nakumpiska ang 1,729,248 pakete ng smuggled cigarettes na may mga brand na FarStar, Mighty Red, Marlboro, Camel at Milano na tinatayang nagkakahalaga ng P184,275,000.
Kasunod nito ang isa pang raid na isinagawa bandang alas-11 ng gabi sa isa pang warehouse sa 163 F. Roxas Street, 6th Avenue, Grace Park West, Barangay 54, Caloocan City.
Nakumpiska rito ang 170 kahon ng mga smuggled na sigarilyo kabilang ang mga brand ng Fortune, Camel, at Modern Green na nagkakahalaga ng P12,750,000.00.
Ayon kay P/Maj.Gen. Leo Francisco, hepe ng CIDG, lahat ng nakumpiskang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P197M ay pawang walang BIR tax stamps.
Ang mga nakumpiskang kontrabando ay nasa pag-iingat na ng BIR sa main office nito habang ang mga naaresto ay nasa kustodiya na ng CIDG-AFCCU at nahaharap sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code.
Ang ‘inventory-taking and seizure’ ay isinagawa naman ng BIR Revenue Officers na sinaksihan ng barangay officials upang masiguro ang transparency at pagtupad sa mga compliance legal procedure. Ito rin ay dokumentado gamit ang Alternative Recording Devices. RNT