Home METRO P2.5M tinangay ng mga kawatan sa negosyante

P2.5M tinangay ng mga kawatan sa negosyante

CEBU CITY- Tugis ngayon ng mga awtoridad ang tatlong kawatan matapos nakawan ang 21-anyos na negosyante ng higit sa P2.5 milyon, iniulat kahapon sa Guadalupe, ng lungsod na ito.

Ayon kay Police Lt. Col. Maria Theresa Macatangay, deputy director for operations Cebu City Police Office, nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktimang si Remark Broa, para ipagbigay-alam ang naturang insidente.

Sa salaysay ng biktima, dumating siya sa kanilang bahay hatinggabi ng Bagong Taon, nang biglang sumulpot ang mga tatlong suspek.

Dit, inutusan siya ng mga suspek na isarado ang gate saka tinakpan ang kanyang bibig ng masking tape at mga kamay sa loob ng sasakyan.

Agad na kinuha ng mga suspek ang paper bag na naglalaman ng P2.5 milyon, iba’t ibang uri ng mga alahas na nagkakahalaga ng P800,000, P36,000 halaga ng cellphone, at Automated Teller Machine cards.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo na nakaparada sa labas ng gate ng biktima.

Naniniwala ang biktima na posibleng mga karibal nito sa negosyo ang responsable sa pagtangay ng kanyang mga pera at alahas.

Aniya, mayroon siyang cellphone shop sa loob ng mall sa naturang lugar.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa agarang pagdakip sa mga suspek. Mary Anne Sapico