MANILA, Philippines – NAGLAAN ang Pilipinas ng P20.785 milyon para gamitin ng bansa para sa pangangampanya sa UN non-permanent seat sa Security Council.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, na gagamitin ang nasabing halaga sa lahat ng klase ng pangangampaniya para maipakita aniya ng Pangulo na ang Pilipinas ay interesado na magkaroon ng non-permanent seat sa UN Security Council.
Sinabi pa ni Castro na mismong si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro ang nagsabi sa kanya ng halagang ito.
Sa ulat, sa Hunyo 3, boboto ang 193 miyembrong bansa ng UN para sa mga bagong non-permanent member ng Security Council.
Sa Asia-Pacific group, makakatapat ng Pilipinas ang Kyrgyzstan para sa naturang pwesto.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mahalaga ang posisyong ito upang mas mapalakas ang boses ng Pilipinas sa mga usaping pandaigdig, kabilang ang kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs), maritime security, at mga isyung may kinalaman sa soberanya at ekonomiya ng bansa. KRIS JOSE