MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nangangailangan ng masusi at karagdagang pag-aaral ang P200 daily pay hike o P200 umento sa sahod.
Kasunod ito ng panawagan sa kanya ng mga mambabatas na isertipika bilang ‘urgent’ ang legislated wage increase bill upang iangat ang ‘standard of living’ ng mga manggagawang Filipino.
“The thing is we have a tripartite board that actually determines the increase in the wage. So, we still have to study it further to see how that will work together,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang chance interview sa Pasay City.
“So, now with this, I don’t know how that’s going to work together. But we will see. We will try to resolve that because as you know it’s very clear that tumataas ang bilihin, nandiyan pa rin ang inflation. Hindi pa natin nasusugpo nang mabuti, nang kumpleto,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang P200 across-the-board na umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Kung mapagtibay bilang batas, oobligahin ang lahat ng mga pribadong negosyo, gaano man kalaki ang industriya, na magpatupad ng P200 arawang umento sa suweldo ng kanilang mga manggagawa.
“The House of the People is working tirelessly to craft a wage increase measure that meets the needs of our workers while ensuring that businesses, particularly MSMEs (micro, small, and medium enterprises), are supported during this transition,” ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa kabilang dako, habang sinabi ng Pangulo na mayroong paraan para itaas ang minimum wage ng mga manggagawa, binigyang diin naman nito na kailangan munang malutas ang posibleng epekto ng panukala sa legal at economic aspects.
Nag-aalala naman ang Punong Ehekutibo hinggil sa potential impact ng wage hike sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
“’Yung sa corporate walang problema ‘yan, iyong malalaking korporasyon, kaya nila ‘yan. Kahit anong increase ang ilagay niyo kaya nila ‘yan. Pero ‘yung maliliit, iyon ang inaalala ng mga iba,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.
“Pero palagay ko naman there is a way to increase that but we have to resolve the legal issues, we have to resolve the economic issues. So, it still deserves a great deal of study. So, it still deserves a great deal of study,” dagdag na pahayag nito. RNT