MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa mahigit P200 milyon halaga ng nga ismagel na isda mula China ang kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) makaraang magsagawa ng operasyon sa Port of Manila nitong Marso 3, 2025.
Pinangunahan ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, kasama si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., at District Collector Alexander Gerard E. Alviar ang isinagawang inspeksyon sa 19 na fourty-foot container na idineklarang naglalaman frozen fried taro ngunit nang magsagawa ng pisikal na pagsusuri ay tumambad ang mga frozen mackerel at mga galunggong.
Nauna dito, ang mga nasabing container na nagmula sa China ay itinigil noong Enero 20, 2025, pagkatapos makatanggap ng kahilingan para sa intrusive at non-intrusive examination mula sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-POM), kasunod ng parehong kahilingan mula sa Plant Quarantine Service-Bureau of Plant Industry (PQS-BPI) dahil sa nakabinbing pagsunod sa mga kinakailangan ng PQS.
Noong Pebrero 13, 2025, isang alert order ang inilabas ng District Office Collector laban sa pagpapadala ng kargamento upang magsagawa ng karagdagang pagsisiyasat.
Sa pagsasagawa ng pisikal na pagsusuri na sinaksihan ng mga kinauukulang partido noong Pebrero 18 at 19, 2025, agad na iniutos ni District Collector Alviar ang pagpapalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa paglabag sa Section 1113 kaugnay ng Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Pinuri naman ni Commissioner Rubio ang sama-samang pagsisikap ng BOC-POM, DA, at iba pang kinauukulang tanggapan para sa pagtiyak na ang lahat ng mga kargamento ay sumusunod sa mga regulasyong nagpoprotekta sa parehong mga mamimili at industriya ng agrikultura ng bansa.
Nabatid na matapos maidokumento ang mga nakumpiskang isda para sa pagsasampa ng kaso sa mga smuggler ay isasailalim ito sa eksaminasyon ng DA kung maaari itong kainin ng tao.
Sakaling makapasa at ideklara itong “fit for human consumption”, ibibigay ang mga nakumpiskang isda sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamigay sa mga nangangailangan. JAY Reyes