Home METRO Puganteng SoKor national na may kasong telco fraud, naaresto ng BI

Puganteng SoKor national na may kasong telco fraud, naaresto ng BI

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhang pugante na si Park Seungeon, 24, na inaresto noong Pebrero 27 sa kahabaan ng Bradco Avenue, Parañaque City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Viado na armado ang mga arresting agent ng isang mission order na inilabas niya matapos makatanggap ng impormasyon mula sa gobyerno ng South Korea na sumusubaybay sa mga krimen at presensya ni Park sa bansa.

“He is also an overstaying alien as he had hidden in the country for more than two years to evade arrest and prosecution for his crimes,” ayon sa BI chief.

Kaugnay nito, ibinunyag ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na isang Interpol red notice ang inisyu laban kay Park mahigit isang taon na ang nakalipas matapos ang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng Incheon district court sa Seoul kung saan siya ay kinasuhan ng pandaraya.

Sinabi ng mga awtoridad sa Korea na si Park ay isang miyembro ng telecom fraud syndicate na di-umano’y nag-alok ng pekeng low-interest debt consolidation loan sa isang biktima kung saan nakuha niya ang panloloko at kinulimbat ng pera na nagkakahalaga ng higit sa 20.1 milyong won, o humigit-kumulang US$14,000.

Sa pagsusuri sa travel record ng dayuhan, nakita na dumating si Park sa bansa bilang isang turista noong Agosto 19, 2022 at hindi na umaalis mula noon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Park kung saan mananatili siya habang nakabinbin ang deportation proceedings.

Sa deportasyon, ang pangalan ni Park ay isasama sa blacklist ng imigrasyon, na epektibong nagbabawal sa kanya na muling makapasok sa bansa. JAY Reyes