Home NATIONWIDE P205M kita sa pagbenta ng 2 nakumpiskang Bugatti inilipat na sa National...

P205M kita sa pagbenta ng 2 nakumpiskang Bugatti inilipat na sa National Treasury

2
0
Nai-turn over na sa bagong may ari ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang Bugatti Chiron na nakumpiska noong taon 2024 matapos ipasubasta at matagumpay na negosasyon na umabot sa kabuuang ₱205 milyon.Ayon sa BOC, ililipat din sa Bureau of the Treasury ang nalikom na kita mula sa bentahan. ERIC OCAPAN

MANILA, Philippines – Pormal nang ipinasa ng Department of Finance (DOF) sa Bureau of the Treasury (BTr) ang mahigit ₱205 milyon na nalikom mula sa matagumpay na pagbebenta ng dalawang nakumpiskang Bugatti Chiron luxury vehicles ng Bureau of Customs (BOC).

Pinangunahan ni Finance Secretary Frederick D. Go ang turnover ng ₱205,016,000 na kikitain ng pamahalaan mula sa bentahan ng dalawang mamahaling sasakyan na dati’y nakatiwangwang lamang bilang forfeited assets.

Ayon kay Go, matapos ang halos dalawang taon ay naisakatuparan na rin ang pagbebenta ng mga sasakyan upang matiyak na ang mga ari-ariang nasa pangangalaga ng gobyerno ay mapakikinabangan at makapagbibigay ng halaga para sa mamamayang Pilipino.

Sa isinagawang negotiated sale noong Marso 26, 2026, ang Elite Garage Corporation ang nag-iisang bidder at nag-alok ng ₱205.016 milyon para sa dalawang Bugatti Chiron.

Bago ang nasabing bentahan, limang public auction ang isinagawa mula Setyembre 2024 hanggang Pebrero 2026 ngunit walang kwalipikadong bidder. Sinundan ito ng isang negotiated sale na wala ring nag-alok bago tuluyang naibenta ang mga sasakyan.

Nanatid na sa kabuuang halaga, ₱101.508 milyon ang nalikom mula sa pagbebenta ng 2017 Blue Bugatti Chiron, habang ₱103.508 milyon naman ang mula sa 2019 Red Bugatti Chiron.

Ayon sa DOF, ang buong halaga ay ilalagak sa National Treasury bilang karagdagang pondo ng pamahalaan para sa iba’t ibang programa at proyektong pampubliko. Kasabay nito, maiiwasan na rin ang patuloy na gastusin ng gobyerno sa pag-iimbak at maintenance ng mga nakumpiskang sasakyan.

Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi nagtatapos ang trabaho ng ahensya sa pagkumpiska ng mga smuggled goods. Aniya, mahalagang maibalik ang halaga ng mga nakukumpiskang ari-arian sa pamamagitan ng legal at transparent na pagbebenta upang maging pondo ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng publiko.

Binigyang-diin din ng BOC na patuloy itong nagsasagawa ng bukas at transparent na proseso sa disposal ng mga forfeited assets sa pamamagitan ng paglalathala ng public auction at negotiated sale notices, gayundin ng live streaming ng mga auction at iba pang kaugnay na aktibidad upang matiyak ang pananagutan at tiwala ng publiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here