Home METRO P217M tobats, ecstasy nasabat sa buy-bust

P217M tobats, ecstasy nasabat sa buy-bust

MANILA, Philippines- Arestado ang isang Chinese national nitong Biyernes kasunod ng buy-bust operation sa Bacoor, Cavite kung saan mahigit P217 milyong halaga ng hinihinalang shabu at ecstasy tablets ang nasabat ng mga awtoridad.

Dakong alas-6 ng umaga, nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service at Regional Office IV-A, Cavite Provincial Office, Philippine National Police Maritime Police Station at Bacoor City Police Station ang suspek na kinilalang si alyas “Li”.

Nagbenta umano ang 35-anyos na lalaking Chinese national ng transparent self-sealing bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, may bigat na tinatayang 1 kilo at nagkakahalaga ng mahigit P6 milyon. Naganap umano ang negosasyon niya sa poseur-buyer sa isang parking lot ng fast food restaurant sa kahabaan ng Bacoor Boulevard.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang nasa 31 plastic bags na naglalaman ng mas maraming hinihinalang shabu — may bigay na higit-kumulang 31 kilog na nagkakahalaga ng mahigit ₱210 milyon— at 35 piraso ng pulang ecstasy tables na may presyong P42,000.

Nasamsam din mula kay “Li” ang isang Honda City at iba pang personal na kagamitan.

Sinabi ni PDEA Undersecretary Isagani Nerez na nakuha sa operasyon ang humigit-kumulang 32 kilo ng hinihinalang shabu  na may standard value na P217.6 milyon.

Matagal nang binabantayan ng mga pulis ang suspek na residente ng Mandaluyong City.

“He is capable of distributing voluminous amounts of illegal drugs, and is now behind bars,”  pahayag ng PDEA chief sa press release. RNT/SA