Home HOME BANNER STORY P23-M tobats na isiniksik sa CCTV, nabuking sa Pasay

P23-M tobats na isiniksik sa CCTV, nabuking sa Pasay

200
0

MANILA, Philippines – Makaraan lamang ang limang araw kung saan tatlong suspek ang inaresto matapos makuhanan ng mahigit P114 milyong halaga ng shabu, muling nakadiskubre ang mga operatiba ng NAIA Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ng mahigit tatlong kilo ng shabu sa Pairpags Center, NAIA Complex, Pasay City, Lunes ng umaga, Enero 13.

Base sa inisyal na ulat ng NAIA-IADITG, naganap ang interdiction operation bandang alas-10:00 ng umaga sa Pairpags Center, NAIA Complex, Pasay City.

Ayon sa ahensya, ang mga nakumpiskang shabu na may kabuuang bigat na 3,382 gramo o mahigit tatlong kilo, na nagkakahalaga ng P22,997,600, ay nadiskubreng nakapaloob sa dalawang abandonadong parcel.

Kakaiba ang estilo ng pagpapadala ng mga abandonadong parcel.

Sa isa, nakapaloob sa loob ng 24 na itim na kahon ng CCTV unit ang 2,370 gramo ng hinihinalang shabu na ipinadala ng HHB Design Studios, Clock Tower, Maselema, Blantyre, Malawi, at naka-consign kay Lucius Castañeda ng Urban Deca Homes, La Joy B St., Buhay na Tubig, Imus, Cavite.

Sa ikalawang parcel, na idineklarang “CCTV Kit” at ipinadala ni Govender Fakhar, Postnet – Parhurst 73816921 ng 49 6th St., Parkhurst, Johannesburg, South Africa, nakapangalan naman sa isang Robert De Leon na taga-Caypombo, Sta. Maria, Bulacan. Nasa loob ng 16 brown box ang 1,012 gramo ng shabu na nakatago rin sa CCTV camera.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination.

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga nabanggit na consignee ng dalawang abandonadong parcel sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng iba’t ibang operatiba mula sa PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at Bureau of Immigration (BI).

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here