MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Antique ang paglilipat ng P24.5 milyong Special Trust Fund para pondohan ang pagpapatupad ng mga prayoridad na proyekto sa disaster risk reduction and management (DRRM) ngayong taon.
Batay sa Resolution No. 09 na ipinasa sa third quarter meeting nitong Huwebes, tiniyak ni Governor Paolo Javier na magkakaroon ng full-scale implementation upang agad na mapakinabangan ng mga komunidad ang mga proyekto.
“Sa kadya, gusto ko nga full swing ang implementation. Hindi ron nga mag-phase 1, phase 2, or phase 3 hay hindi man magamit dayun,” ani Javier.
Binigyang-diin din niya na ang mga proyektong gaya ng multi-purpose centers ay dapat may sapat na pondo upang magamit kaagad matapos maitayo.
Inatasan ng gobernador ang Provincial Engineering Office (PEO) na muling suriin ang mga kasalukuyang proyekto na nasa Phase 1 at Phase 2. Kapag napatunayang viable at magagamit pa, itutuloy at tatapusin ang mga ito.
Pinahintulutan din ng PDRRMC sina Javier, ang mga vice chairperson, at ang Office of the PDRRM officer na repasuhin at tapusin ang listahan ng mga program, proyekto, at aktibidad na isasama sa 2026 local DRRM fund. RNT/JGC