MANILA, Philippines- Nagbebenta ang Department of Agriculture (DA) ng P29 kada kilo ng bigas sa limang Kadiwa stores sa Metro Manila, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Linggo.
Kabilang sa Kadiwa stores na ito ang ADC Building ng Department of Agriculture – Central Office sa Quezon City; Kadiwa Center sa loob ng Bureau of Plant Industry sa Malate, Manila; Kadiwa Store sa kahabaan g Llano Road sa Barangay 167, Caloocan City; Kadiwa Store sa AMVA Housing, La Mesa Street sa Barangay Ugong, Valenzuela City; at Kadiwa Center sa PhilFIDA Compound, Talon Dos, Las Piñas City.
Ayon sa PCO, sinabi ng DA na maaaring bumili kada pamilya ng hanggang limang kilo ng bigas depende sa availability. Ibinebenta rin ang iba pang bilihin tulad ng isda, itlog, sibuyas, bawang, gulany, at mga prutas sa Kadiwa stores.
“The sale of rice at P29 per kilo will continue as the government projects to produce more than 100 million kilos of rice by August this year through contract farming agreement with Farmers’ Cooperatives Associations,” pahayag ng DA.
Ang Kadiwa Program ay flagship program ng Marcos Administration, na nagbibigay-daan upang maibenta ng mga lokal na magsasaka ang kanilang produkto nang direkta sa consumers. Nilalayon nitong tulungan ang mga magsasaka na kumita ng mas malaki at makapaghatid ng abot-kayang bilihin sa mga mamimili. RNT/SA