MANILA, Philippines- Pinalawig ng Department of Agriculture (DA) ang P29 Rice Program sa dalawang bagong Kadiwa sites sa Southern Luzon.
Ang P29 program ay nag-alok ng ‘aging but good quality rice’ sa halagang P29 kada kilo sa vulnerable sectors, kabilang na ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, senior citizens, solo parents at persons with disabilities.
“Ngayong araw, nagsimula na tayo sa Bacoor at San Pedro, sa Laguna at sa Cavite. So, dire-diretso ito at sa buwan ng Agosto, magsisimula na tayo sa Visayas at Mindanao,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa.
Ang ‘large-scale trial’ ng programa ay una nang inilunsad sa 10 sites sa Kalakhang Maynila at Bulacan noong Hulyo 5.
Ang first batch ay sa Bureau of Animal Industry Dome at National Irrigation Administration (NIA) sa Quezon City; Bureau of Plant Industry sa Malate, Manila; Food Terminal Inc. sa Taguig City; Philippine Fiber Industry Development Authority sa Las Piñas; Bayani Fernando Central Terminal and Barangay Fortune sa Marikina; sites sa Caloocan at Valenzuela; at City of San Jose del Monte, Bulacan.
Sinundan naman ito ng tatlo pang Kadiwa sites sa Malabon, Navotas at Marikina.
Layon ng DA na magsagawa ng large-scale trial nito sa buong taon para i-assess ang pangangailangan at hamon ng pagpapatupad sa buong bansa.
“We want to get iyong (the) critical information and challenges of course on demand, supply, logistics, and administrative concern,” ayon kay De Mesa.
Winika pa nito na pag-aaralan ng DA ang posibleng pagpapababa sa P29 selling price, kung isasaalang-alang ang pagbaba sa global market prices.
Sa kabuuan, layon ng P29 program na makinabang ang 6.9 milyong pamilya sa buong bansa na may kasamang suplay na manggagaling mula sa stocks ng National Food Authority at umani mula sa tinatawag na ‘contract growing programs’ ng NIA. Kris Jose