MANILA, Philippines -Nasa P2 milyong halaga ng nakaw na diesel ang nadiskubre sa isang compound sa San Mateo, Rizal.
Ang illegal na operasyon ay nadiskubre matapos mapara ang isa sa mga trak nito dahil sa sirang headlight sa Valenzuela City.
Kalaunan ay nakita ng PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) na ang trak ay may kargang 7,000 litro ng hindi dokumentado at unprocessed diesel dahilan para arestuhin ang drayber at porter nito.
Sa mas malalim na imbestigasyon ay nadiskubre ng mga awtoridad ang isang compound sa San Mateo, Rizal kung saan naroon ang mahigit 8,000 pang litro ng unprocessed fuel sa apat na tanker trucks.
Aabot sa P2 milyon ang 15,000 litro ng ninakaw na diesel.
“Imbakan na lang mismo itong apat na tanker. Talagang paihi-style na lang siya, ginigripuhan na lang. Afterwards, ibigay para ilipat sa mga bariles,” pahayag ni PNP-HPG Spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga nakaw na diesel ay posibleng mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at ibinibenta sa probinsya ng 30% hanggang 50% na mas mura.
Ituturn-over ang mga ito sa Department of Energy.
“Kung ito po ay hindi naprosesong maigi at hindi po dumaan sa DTI, sa DOE, no, maaari po makapinsala po ito sa kanikanya po nating mga sasakyan,” ani Malang.
Samantala, ang dalawang suspek ay nasa kustodiya ng PNP-HPG habang ang indibidwal na nagrerenta ng compound ay iniimbestigahan sa posibleng kaugnayan sa operasyon. RNT/JGC