Home NATIONWIDE P3.15M ecstacy nasabat ng BOC-NAIA

P3.15M ecstacy nasabat ng BOC-NAIA

1
0

MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang ₱3.15 milyong halaga ng hinihinalang ecstasy na itinago sa loob ng mga lalagyan ng whey protein sa isang international parcel.

Ayon sa BOC, isinailalim sa pagsusuri ang naturang parcel noong Setyembre 25, 2026 sa Central Mail Exchange Center (CMEC), kung saan nadiskubre ang tinatayang 743 gramo ng hinihinalang ilegal na droga.

Nakasaad sa deklarasyon ng parcel na whey protein ang laman nito, ngunit nang suriin ng mga awtoridad, nakita ang hinihinalang ecstasy na nakatago sa loob ng mga lalagyan.

Agad na inaresto ang claimant ng parcel at isinuko sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kasama ang nakumpiskang substance, para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng posibleng kaso.

Maaaring maharap ang claimant sa paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa mga kaukulang batas sa customs.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng BOC-NAIA, Enforcement and Security Service–Customs Anti-Illegal Drug Task Force (ESS-CAIDTF), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-Ray Inspection Project (XIP), PDEA at iba pang ahensya.

Binigyang-diin ni District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa mga international parcel dahil patuloy aniyang nagbabago ang mga paraan ng pagtatago ng mga kontrabando.

Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi lamang mga ilegal na droga ang target ng kanilang operasyon kundi maging ang mga taong nasa likod ng pagpapadala ng mga ito.

Ayon kay Nepomuceno, hindi nagtatapos sa pagkakasamsam ng kontrabando ang pagpapatupad ng batas, kundi kailangang matukoy at managot din ang mga responsable sa naturang shipment. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here