CAMP DANGWA, Benguet- Nasabat ng Police Regional Office-Cordillera ang mahigit P3.3 milyong halaga ng shabu at marijuana at naaresto ang limang hinihinalang drug pushers sa mga lalawigan ng Abra at Kalinga at Baguio City noong Abril 19.
Sinabi ni Police Brig. Gen. David Peredo Jr., PRO-Cordillera chief, naaresto ng Abra Police Provincial Office ang 22-anyos na lalaki na tinukoy bilang high-value individual at 18-anyos na estudyanteng kinilalang street-level individual matapos magbenta ng 0.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,440 sa isang poseur-buyer.
Nakumpiska rin ang 0.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,024 at pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 11.8 gramo at nagkakahalaga ng P1,416.
Sa Baguio City, dalawang drug pushers ang nadakip matapos magbenta ng 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000 sa Barangay Irisan.
Naaresto rin ang 38-anyos na babaeng drug pusher sa Purok 5, Middle Quirino Hill. Nakuhanan siya ng 0.55 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,470.
Nadiskubre at winasak naman ng mga awtoridad ang 16,000 fully-grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P3.2 milyon sa eradication operation sa Kalinga. RNT/SA