MANILA, Philippines – Nasamsam ng pulisya ang mahigit P3 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo sa isang checkpoint sa Bagumbayan, Sultan Kudarat nitong Huwebes ng hapon, Enero 23.
Ayon kay Maj. Ronalyn P. Domider, Bagumbayan town police chief, nagmamandao sa election gun ban checkpoint ang mga awtoridad nang mapansin ang dalawang minivan bandang alas-3 ng hapon.
Nadiskubre ng pulisya sa loob ng van ang mga kahon na naglalaman ng 2,850 reams ng assorted imported cigarettes, na tinatayang nasa P3.06 milyon ang halaga.
Kinilala ni Domider ang dalawang drayber ng van na sina “Delarmente” at “James,” na bigong makapagpakita ng mga dokumento ng sigarilyo.
Naka-detain sa municipal police station ang mga drayber na nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 10643, o Graphic Health Warning Law, at RA 10845 o Anti-Smuggling Act.
Ang mga ismagel na sigarilyo ay posibleng galing sa Kalamansig at Lebak. RNT/JGC