KALINGA-Umabot sa P4.3 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad makaraan maharang ang tatlong suspek, nitong Sabado sa bayan ng Lubuagan.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Lloyd Driggs Fernandez, 28, binata, Romnick Mendoza, 32, may-asawa, tricycle driver at Christian Lester Mariano, 31, binata, driver at pawang mga residente ng Paso De Blas, Valenzuela City.
Sa report ng Kalinga-PNP, naharang ang mga suspek na sakay ng SUV sa Sitio Dinakan, Brgy. Dangoy, Lubuagan, Kalinga.
Nakuha sa mga suspek ang 35 pirasong hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana bricks, isang hugis tubo na marijuana brick na may bigat na 6 kilo na aabot sa halagang P4,320,000.
Ayon sa pulisya, dumaan ang mga suspek sa checkpoint at sinubukan silang parahin sa halip na tumigil ay pinaharurot nila ang sasakyan at binangga ang signage na checkpoint dahilan para tumigil ang mga ito.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, tumambad sa kanilang harapan ang mga karton na naglalaman ng mga marijuana na dadalhin sana sa Maynila.
Nasa kustodiya ngayon Kalinga-PNP ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico