Home METRO P41.3M shabu nasabat sa Bacolod

P41.3M shabu nasabat sa Bacolod

BACOLOD CITY- Nasamsam ng mga awtoridad ang 6,080 gramo ng shabu (methamphetamine) na nagkakahalaga ng P41.3 milyon sa Barangay 35 sa lugar na ito nitong Martes.

Sinabi ni Capt. Glenn Soliman, hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit, ito ang pinakamalaking single drug haul na nasabat sa Western Visayas ngayong taon.

“The shabu was intended for sale in Bacolod City, Negros Occidental, and Iloilo,” pahayag niya.

Nadakip naman si John Philip Dellomo, alyas “Tol,” 28, na mahaharap sa kasong selling and possession of illegal drugs, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Naaresto rin ang kanyang ama na si Lauro Ceralvo Dellomo, 52, at kapatid na si Barangay 35 chief tanod Ronel Mawa Dellomo, 36, para sa obstruction of justice, base kay Soliman.

Ani Soliman, tinangka nina Lauro at Ronel na pigilan silang makadaan nang patungo ang mga awtoridad sa bahay ni John Philip.

“They also tried to maul and disarm a policeman,” wika ni Soliman.

Anang opisyal, nagsagawa sila ng surveillance operations kasunod ng intelligence information na sangkot si John Philip sa pagbebenta ng droga.

Nalambat si John Philip nang iabot niya ang 50 gramo ng shabu kapalit ng P60,000 buy-bust money noong Martes ng gabi.

Narekober kay John Philip ang 6,080 gramo ng shabu, ang P60,000 buy-bust money, isang cellular phone, at digital weighing scale.

Ani Soliman, sinabi ni John Philip na habang nakakulong siya dahil sa robbery holdup case sa Bacolod sa loob ng halos dalawang taon, nakilala niya ang isang drug personality na naging drug operations partner umano niya.

Ibinasura ang robbery case dahilan upang makalaya sa kulungan si John Philip. RNT/SA