Home METRO P5.6M shabu nakuha sa rider

P5.6M shabu nakuha sa rider

CEBU CITY- KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang delivery rider matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang drug buy bust operation, iniulat kahapon, Enero 5 sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Lorenz Uy Jurado, alyas Renz, delivery rider, at residente sa Spolarium, Barangay Duljo Fatima, Cebu City.

Batay sa report Drug Enforcement Unit (DEU) Inayawan Police Station, bandang 11:45 PM nang madakip ang suspek sa Sitio Dumpsite, Barangay Ina­yawan, ng naturang lungsod.

Nakuha sa suspek ang shabu na may bigat na 825 gramo at tinatayang aabot sa halagang P5.6 milyon.

Ayon sa pulisya, isinailalim nila sa monitoring ang suspek hinggil sa talamak na pagbebenta nito ng droga at nakakabenta ito ng 300 gramo kada linggo.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek na siya ang nagdedeliber ng shabu sa nasabing barangay at karatig lugar nito kapalit ng P5,000.00 na suhol.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. Mary Anne Sapico