
NOONG Hulyo 21-24, 2024, sinalakay ng super bagyong Carina ang Pilipinas at pumatay ng 39 katao at sumira ng bilyon-bilyong pisong ari-arian, lalo na sa Luzon.
Noong Oktubre 21-25, sumalakay ang bagyong Kristine at pumatay ng 151, karamihan sa Kabikulan at sumira ng bilyon-bilyong pisong ari-arian.
Sa State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 22, 2024, ipinagmalaki nitong ayos na ang 5,500 flood control projects niya kaya hindi na dapat mag-alala ang mga Filipino sa baha.
Pero isang araw lang matapos nito, sumalakay ang bagyong Carina.
Dahil dito, biglang binawi ng mga basalyos ni Pang. Bongbong ang pag-angkin sa 5,500 anti-flood projects at sinabing mga proyekto ito ni dating Pang. Digong Duterte.
Pagdating ng Oktubre, sumalakay naman si Kristine at sinabi ng mga manoy at manay na para silang na-Ondoy, ‘yung bagyong nagpalubog sa malaking bahagi ng Metro Manila at Bulacan noong Setyembre 24-30, 2009 na ikinamatay ng 957 tao at sumira ng bilyon-bilyong pisong ari-arian.
Dahil sa mga pangyayaring ito, mula Hulyo hanggang matapos ang deliberasyon ng panukalang badyet para sa taong 2025, naging mainit na laman ng balitaktakan sa Senado ang anti-flood funds para sa 2025 at inilaan ang P303 bilyon dito.
Pero naungkat din ang mga anti-flood funds para sa 2022 hanggang 2024 na nagkahalaga ng P556 bilyon, ayon kay Senador Grace Poe.
Ayon naman kay Senador Joel Villanueva, napunta sa Kabikulan ang P29.483B noong 2023 at P31.942B noong 2024 at taliwas sa sinasabi ng Ako Bicol partylist na maliit lang umano ang napunta sa Kabikulan.
Ang naging kapuna-puna, mga senador lang ang nag-ingay rito gaya nina Senate President Chiz Escudero, Senators. Imee Marcos, Villanueva, Nancy Binay, Jinggoy Estrada, Poe at iba pa ngunit nakasiper ang bunganga ng mga kongresman.
Ang tanong ni Chiz noon na “Nasaan ang pera?” ay dapat matanong pa rin sa darating na Kongreso.