
“COURTESY resignation” ang hiling ni Pangulong Ferdinand “B ongbong” Marcos Jr., sa lahat ng mga kalihim ng kanyang gabinete bilang pagsasaayos ng kanyang administrasyon kasunod ng hindi magandang resulta ng nagdaang midterm elections.
Kaya naman ang kanyang panawagan ay mabilis na tinugunan ng kanyang mga kalihim na nakaunawa na kailangan talagang makita ang mga nagawa ng pamahalaan sa ating bayan.
Kaagad na nagsumite ng kanilang courtesy resignation sina Secretaries Vince Dizon, ng Transportation; Jonvic Remulla, ng Interior and Local Government; Romando Artes, ng Metro Manila Development Authority; Ralph Recto, ng Finance; Sonny Angara, ng Education; Rex Gatchalian, ng Social Welfare and Development; Francisco Tiu Laurel Jr., ng Agriculture; at Conrado Estrella, ng Agrarian Reform.
Nagsumite rin ng hiling na courtesy resignation sina Executive Secretary Lucas Bersamin; Jose Acuzar, ng Human Settlements and Urban Development; Maria Esperanza Christina Frasco, ng Tourism; Gilbert “Gibo” Teodoro, ng National Defense; Raphael Lotilla, ng Energy; Jay Ruiz, ng Presidential Communications Office; at Eduardo Año, National Security Adviser
Habang nangako namang magsusumite rin ng kanilang mga liham ng pagbibitiw sa pwesto sina Amenah Pangandaman, ng Budget and Management; Bienvenido Laguesma, ng Labor and Employment; Arsenio Balisacan, ng National Economic and Development Authority; Hans Leo Cacdac, ng Migrant Workers; Jesus Crispin “Boying” Remulla, ng Justice; Toni Yulo-Loyzaga, ng Environment and Natural Resources; Henry Aguda, ng Information and Communications Technology at Menardo Guevarra, Solicitor General.
Mabuti naman at naiintindihan nitong mga kalihim na ang layon ni PBBM sa kanyang kahilingan ay upang masuri at mapag-aralang mabuti ang kanilang “performance” at tukuyin kung sino pa ang patuloy na magsisilbi sa administrasyon sa ipatutupad na recalibrated priorities.
Kasi nga, kailangan ni Presidente Marcos ang mabilis na pagpapatupad sa mahahalagang proyekto at programa sa kanyang pamumuno at hindi na pwedeng maantala ang serbisyong kailangan ng mga tao dahil tatlong taon na lang ay bababa na siya sa pwesto at nais niyang may maiiwang “legasiya”.
Maaaring totoo sa kanyang saloobin ang pagbabago sa pamumuno. Pero mas may kailangang tanggalin muna ni Pangulong Bongbong ang nakapaligid sa kanya na nagpapabagsak ng tiwala sa kanya ng mga tao.
In fairness sa mga kalihim, talagang nakasuporta sila sa Pangulo sapagkat isang tawag lang ay sunod kaagad sila at hindi na nagpatumpik-tumpik pa. Tama naman, kung para sa pagbabago at pagkakaisa, eh di sumunod agad upang hindi masira ang tiwala sa kanila.