MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang tinatayang ₱56.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang dalawang babaeng Pilipinong pasahero sa isinagawang operasyon noong Mayo 6, 2026.
Ayon sa BOC-NAIA, isinagawa ang interdiction operation sa International Arrival Area ng Terminal 1 sa Pasay City, katuwang ang iba’t ibang law enforcement agencies. Nahuli ang dalawang pasahero na kapwa nagmula sa Cambodia.
Sa inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 8,324 gramo ng puting kristalinong substansiya na pinaniniwalaang Methamphetamine Hydrochloride o “shabu.” Nakatago ang mga ito sa loob ng dalawang maleta, na isiniksik sa mga improvised na supot na gawa sa carbon paper at packaging tape.
Upang makalusot sa inspeksyon, itinago rin ang ilegal na droga kasama ng coffee powder, iba’t ibang pakete ng kape, at personal na gamit ng mga suspek.
Isinagawa ang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang mga nakumpiskang substansiya ay isasailalim sa confirmatory examination ng PDEA Laboratory Service, habang inihahanda na ang inquest proceedings laban sa mga naarestong indibidwal.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. JAY Reyes