MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang P6.4 milyong halaga ng smuggled na imported na sigarilyo na itinago sa loob ng isang cement mixer truck sa isinagawang checkpoint operation sa Matanog, Maguindanao del Norte nitong Martes.
Ayon kay Brig. Gen. Jaysen de Guzman, direktor ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), pinara ang sasakyan sa national highway sa Barangay Bayanga Norte matapos mapansin ang kahina-hinalang kilos ng driver at helper.
“During a routine inspection, policemen from Matanog MPS, Regional Mobile Force Battalion 14A, and the provincial police office noticed several reams of cigarettes falling from the truck’s cement mixer drum,” ani de Guzman.
Sa masusing inspeksyon, nadiskubre ang 7,550 reams ng Greenhill-brand imported cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P6.4 milyon.
Inaresto ang driver na si Jubiri, 30, at ang helper nitong si Naji, 20, kapwa residente ng Zamboanga City. Ayon sa kanila, dadalhin sana ang kontrabando sa hindi tinukoy na lugar sa Cotabato City.
Sa hiwalay na operasyon sa parehong araw, nakasabat din ang pulisya ng P256,000 halaga ng smuggled cigarettes sa Buldon, Maguindanao del Norte, at P760,000 naman sa Pigcawayan, North Cotabato, sa mga checkpoint operation. Mary Anne Sapico