Home METRO 2 gasolinahan sa Vizcaya, E. Samar kinasuhan sa overpricing

2 gasolinahan sa Vizcaya, E. Samar kinasuhan sa overpricing

152
0

MANILA, Philippines – Nagsampa na ng kaso ang Philippine National Police (PNP) laban sa dalawang gasolinahan sa Nueva Vizcaya at Eastern Samar dahil sa overpricing ng fuel sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, natuklasan ang mga paglabag sa pamamagitan ng monitoring at validation kasama ang Department of Energy (DOE).

“Meron na po tayong dalawa na kinasuhan. Ito po sa Nueva Viscaya at sa Eastern Samar na kung saan, hindi po sa hoarding, kundi nagbebenta ng mas mataas na presyo,” ani Tuaño sa Kapihan sa Manila Hotel forum.

Nag-ugat ang mga kaso sa mga ulat ng concerned citizens sa pamamagitan ng 911 hotline na kalauna’y napatunayan ng mga awtoridad.

“Kung sakaling meron silang mga impormasyon na natatanggap, dial lang po sa 911… nais nating banggitin na yung insidente natin sa Nueva Vizcaya at sa Region 8 ito po ay itinawag ng isang concerned citizen sa atin sa 911 kung saan nasampahan na rin nating kaso,” dagdag niya.

Inatasan din ng DOE ang PNP na tumulong sa pagpapatupad ng mga regulasyon, kabilang ang pagmonitor sa mga gasolinahan na tumatangging magbenta o nagpapatupad ng hindi awtorisadong taas-presyo.

Sa tala ng PNP, umabot na sa 372 gasolinahan sa buong bansa ang pansamantalang nagsara dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, na nagdudulot ng pangamba sa posibleng hoarding at price manipulation.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nauunawaan ng pulisya ang sitwasyon ng mga negosyante ngunit hindi papayagan ang ilegal na gawain.

“But if the sudden closure is for illegal scheme, then expect police action on this matter,” aniya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here