Home NATIONWIDE Mga manggagawa, pobreng pamilya bibigyan ng 10KG bigas ng gobyerno

Mga manggagawa, pobreng pamilya bibigyan ng 10KG bigas ng gobyerno

208
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang ipamahagi ng administrasyon ang rice assistance program na magbibigay ng 10 kilo ng bigas kada buwan sa middle-class workers at vulnerable families.

Bahagi ito ng package para pagaanin ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace press officer Claire Castro na ang ayuda ay ipamamahagi sa buong taon sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), bukod pa sa umiiral na mga subsidy at naka-target na aid programs.

“Magbibigay din po at magdi-distribute ng 10 kilos of rice every other month for the entire year to the middle-class workers and vulnerable families,” ang sinabi ni Castro.

Ang rice aid ay bahagi ng multi-layered response ng gobyerno para sa tumataas na presyo ng langis kung saan kabilang dito ang direct subsidies para sa transport workers at suporta para sa mga magsasaka at mangingisda.

Winika pa ni Castro na ang initial rollout ng fuel subsidies ay nagsimula na, saklaw ang 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila.

Ang susunod na phase ay ang palawigin ang tulong sa 261,156 transport sector beneficiaries, kabilang na ang TNVS drivers, motorcycle taxi riders, bus drivers, at jeepney operators.

Aniya pa, ang payouts sa labas ng Metro Manila ay inaasahang magsisimula matapos ang Holy Week.

Sa kabilang dako, isinasapinal na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Transportation (DOTr), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan ng mga benepisyaryo.

Sa sektor ng agrikultura, nakatakdang magbigay ang Department of Agriculture (DA) ng fuel subsidies sa mahigit 26,000 magsasaka at kahalintulad na bilang ng mga mangingisda.

Makatatanggap din ang mga magsasaka ng karagdagang ₱2,000 na tulong sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program.

Tinukoy naman ni Castro ang nagpapatuloy na “Love Bus Program” bilang bahagi ng pagsisikap na mapagaan ang transport costs para sa mga mananakay.

Samantala, hangad naman ng Malakanyang ang mabilis na pagpapasa ng batas na magkakaloob sa Pangulo ng emergency powers para suspendihin at bawasan ang excise taxes sa fuel.

Ani Castro, inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bersyon ng panukalang batas habang inaasahan naman na susunod na ang Senado.

“Alam po ng Kongreso kung paano po gustong mapaaga ng Pangulo ang pagsasabatas… para po mabawasan, matanggal ang excise tax, lalung-lalo na po sa panahon ngayon,” aniya.

Ang panukalang suspensyon ng excise tax ay nakikitang mahalagang interbensyon para mapakalma ang epekto ng pagtaas ng global oil price, dahilan para tumaas ang halaga ng transportasyon at pagkain sa buong bansa.

Samantala, pinanindigan naman ng Malakanyang na ang kombinasyon ng ‘direct aid, subsidies, at fiscal measures’ ay naglalayong magbigay ng agarang ginhawa habang ang longer-term solutions ay isinusulong para patatagin at panatilihin ang presyo. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here