LANAO DEL SUR, Philippines – Inaresto ng pulisya ang dalawang indibidwal at nasamsam ang mahigit P6 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang checkpoint sa Barangay Miculabo, Picong, Lanao del Sur noong Huwebes, Pebrero 5.
Ayon kay Brig. Gen. Jaysen de Guzman, regional director ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), pinara ng mga tauhan ng Picong Municipal Police, kasama ang CIDG at Bureau of Customs–Iligan, ang isang Isuzu Forward truck bandang 4 a.m. matapos matuklasan ang mga tagong compartment sa inspeksyon.
Nasamsam mula sa sasakyan ang 141 master cases (7,050 reams) ng Cannon Black Menthol cigarettes, na pinaniniwalaang mula Indonesia, na may halagang higit P6 milyon.
Ang mga suspek ay inaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law, at RA 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Ang nakumpiskang sasakyan at kontrabando ay inilagay sa kustodiya ng pulisya para i-turn over sa Bureau of Customs.
Samantala, noong Miyerkules, Pebrero 4, nasabat din ng pulisya ang isang Suzuki Multicab na may kargang smuggled na sigarilyo sa Barangay Tual, Picong. Isang suspek ang naaresto at 500 reams ng iba’t ibang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang P428,000 ang nakumpiska. RNT/MND