
KAMAKALAWA, matapos ang buhos ng matindi ngunit hindi nagtagal na ulan sa Metro Manila, agad na binaha mula tuhod hanggang beywang ang maraming parte ng National Capital Region na ikina-stranded ng maraming motorista, kasama ang mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan, dahil “not passable to all light vehicles” ang ilan sa mga kalsada.
Kabilang sa mga hindi pupwedeng lusungan ang kalakhan ng España Boulevard at Lacson Avenue at España Blvd corner Antipolo Street, Manila; Barugo Road at T. Samson Bridge at C3 NLEX Connector Intersection, Caloocan; Ortigas Extension at F. Mariano, Pasig; at Quezon Ave. Biak na Bato EB at WB, Sto. Domingo Ave. Atok St., G. Araneta Ave. Karilaya SB/NB, Quezon City.
Wala tayong balita sa iba pang mga lugar dahil tinamaan din ng malalakas na ulan ang mga Gitnang Luzon at Tagalog Region.
Karamihan sa mga nasira ang mga sasakyan na na-trap sa baha at siyempre pa, ang mga ‘stranded’ na pasahero, nagkaproblema sa pag-ihi, pagdumi at iba pa habang maaaring may tinamaan ng leptospirosis ang lumusong na lang sa baha matapos matrapik.
Dahil sa mga pangyayaring ito, kailangan muli nating tanungin kung nasaan ang mga anti-flood project ng gobyerno.
May natapos na umanong mahigit 5,000 anti-flood projects at malaking bahagi ng P600 bilyong pondo para sa mga ito ang inilaan para sa Metro Manila sa nakalipas na tatlong taon.
Oras na muli ng paniningil sa mga awtoridad lalo’t katotohanang salapi ng taumbayan ang pinag-uusapan dito.
Noong ginagawa ang pambansang badyet sa mga buwan ng Setyembre-Disyembre 2024 para sa taong ito, sinasabing marami na ang nagawa ngunit walang masterplan para pagdugtong-dugtungin ang lahat ng anti-flood project kaya nagkakandabaha-baha ang Metro Manila.
Pero wala ni sinoman sa mga mambabatas sa Kamara at Senado ang kumalkal sa malaking posibilidad na mga pandarambong at korapsyon dito.
Tanong: Kawalan ba ng masterplan ang dahilan ng malalaking baha o pandarambong at korapsyon?