Home METRO P7.3B pekeng produkto nasamsam ng BOC

P7.3B pekeng produkto nasamsam ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P7 bilyong halaga ng mga pekeng underwear, hardware products, mga laruan, appliances, at iba pa ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang sabay-sabay na operasyon sa magkakaibang lugar sa Caloocan City at Bulacan nitong nakaraang linggo.

Batay sa ulat ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), ang pagkakadiskubre ng humigit-kumulang P7.37 bilyong halaga ng mga ipinagbabawal na produkto noong Miyerkules, Marso 20 ay kinabibilangan ng mga pekeng underwear, household items, kitchenware, hardware materials, toys, at mga appliances.

Sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio na ang operasyong ito ay bahagi ng kanilang pagsisikap na tuluyang masawata ang pagdating ng smuggled goods sa bansa.

“While we understand that there is a brazen attempt to smuggle in such large amount of infringed goods and other items, we are also confident that we are doing the necessary actions needed to address these activities,” ani Rubio.

Nabatid sa BOC, sa isinagawang operasyon sa Caloocan City ay natuklasan ng mga awtoridad ang 3,500 bale ng mga pekeng underwear at medyas na may mga sikat na brand na tinatayang nasa P4.3 bilyon ang halaga.

Sa karagdagang pagsisiyasat sa iba pang mga bodega, natuklasan din ang mga karagdagang ipinagbabawal na produkto na nagkakahalaga ng P70 milyon, kabilang ang mga pambabaeng sandals, speaker, food items, industrial pipe fittings, at mga sanitary kitchenware.

Nabatid na isa pang operasyon ang ikinasa ng BOC sa mga bodega sa Bocaue, Bulacan na nagresulta sa pagkakadiskubre ng iba’t ibang hinihinalang ismagel na mga gamit na aabot sa P3 bilyon.

Kabilang sa mga kalakal na ito ang mga gamit sa kusina, mga likidong detergent, mga baraha, hardware na materyales, appliances, clothing apparel, mga laruan, computer accessories, mga gadget, mga pampaganda, mga gamit sa paaralan, mga plastik na gamit, mga kagamitan sa kuryente, mga lamok, mga swimming vest at pool, mga laruan, mga scented candles, party materials, skate board at alkansya, cash box, tent, at iba pang paninda.

Hihilingin ng BOC sa mga may-ari ng mga kalakal na magpakita ng mga dokumento sa pag-import o patunay ng pagbabayad ng mga awtoridad sa Customs. JAY Reyes

Previous articleFuel surcharge para sa buwan ng Abril Level 6 pa rin
Next articleWax figure ni Pia, nilait!