MANILA, Philippines – Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) nitong Lunes, Hulyo 7 ang mahigit 110 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P749 milyon sa loob ng apat na “balikbayan” box sa Manila International Container Port sa Tondo, Maynila.
Nasamsam ang mga iligal na droga sa isinagawang interdiction operation dakong alas-11:30 ng umaga sa loob ng Container Facility Station 3, kung saan iniinspeksyon ang mga kahon mula California at naka-address sa mga recipient sa Mandaluyong at Quezon City, ayon sa PDEA sa isang pahayag.
Nadiskubre ang 106 vacuum-sealed plastic packs na laman ang white crystalline substances na nakatago sa mga kahon ng cereal, snack pack, at instant noodles.
Habang walang naarestong mga suspek sa ngayon, ang mga awtoridad ay nagsusumikap na kilalanin ang mga nasa likod ng kargamento at matunton ang anumang mga local contacts na konektado sa pagtatangkang smuggling. Jocelyn Tabangcura-Domenden