MANILA, Philippines – Mabilis na nakalusot sa Senate sub-committee on finance sa pangunguna ni Senador Pia Cayetano ang hinihinging P793.18 bilyong badyet ng Department of Education sa pamumuno ni dating senador, Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara nitong Miyerkules, Setyembre 11.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado, hindi bilang mambabatas, kundi isang kalihim, nagpasalamat si Angara sa dating kasamahan sa “mainit” na pagtanggap sa kanyang budget proposal sa 2025 ng DepEd upang maisagawa ang mahabang listahan ng reporma sa sektor ng edukasyon.
Nanguna si Cayetano sa pag-insponsor sa badyet ni Angara na lubos na sinuportahan naman ng ilang miyembro ng komite kabilang sina Senador Risa Hontiveros, Win Gatchalian, Nancy Binay, Raffy Tulfo at Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Nakibahagi naman si Gatchalian sa kagalakan sa mabilisang pagkakaapruba ng badyet ng DepEd dahil malinaw na naipaliwanag ni Angara ang gastusin at repormang nakalista sa kanyang tanggapan.
Dating hepe ng Senate finance committee si Angara noong nanunungkulan pa bilang mambabatas.
“I’m very optimistic that Sec. Sonny will bring in a lot of important reforms in the education sector and good luck were here to support your programs and your need in the Department,” paliwanag ni Gatchalian.
Pinuri naman ni Hontiveros ang liderato ni Angara at ang ahensiya sa pagbibigay ng prayoridad sa mental health at pagbibigay ng ligtas na spaces sa loob ng mga paaralan.
“Maraming salamat, Sec. It’s really good to hear about the temporary work around that DepEd has arrived at. At talagang may both Legislative and Executive history behind this. Naalala ko no’ng tina-trabaho pa natin what became the Mental Health Law,” ayon kay HOntiveros.
PInasalamatan din ni Tulfo si Angara sa mabilis na pagkilos hinggil sa “No Collection Policy” sa lahat ng pampublikong paaralan ng DepEd na nagmimistulang pabigat sa magulang at estudyante.
“Natigil [‘yong voluntary payments from the learners and teachers] because of the letter. You’ve sent me a copy of that. And after that, a week or so, later, meron akong natanggap na mga letter sa mga magulang, communications, at nagpapasalamat. Thank you, Senator Angara tungkol diyan,” ayon kay Tulfo.
Binati nina Pimentel kasama sina Senador Joel Villanueva, Binay at Majority Leader Francis Tolentino si Angara sa kanyang pagganap bilang Education Secretary sa limang oras na deliberasyon sa Senate Committee level.
Humihingi ang DepEd kasama ang attached agencies nito ng halagang P793.18 bilyon sa ilalim ng National Expenditures Program (NEP).
“The budget of DepEd and the attached agencies are deemed submitted to plenary, subject to further discussion and the submission of documents requested by the Senators. Thank you so much, everyone. Congratulations, Secretary [Sonny Angara],” ayon kay Senate Committee on Finance Vice Chairperson Cayetano.
Hihintayin na lamang ng DepEd ang plenary sessiyon sa Mababang Kapulungan at Senado upang maipagtanggol ni Angara ang budget proposal ng ahensiya. Ernie Reyes