CAUAYAN CITY, Isabela – Halos P82.7 milyon halaga ng pinaniniwalaang smuggled cigarettes ang nasabat at nakumpiska ng mga pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad mula sa tatlong Chinese national sa TD Hotel sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.
Dakong alas-3:30 kahapon, pinangunahan ni PLtCol. Jerry Castillo, Officer-in-Charge ng Cauayan Component City Police Station (CCCPS), katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Regional Office No. 2, CIDG RFU2, RMU2, RIU2, RID2, PIU-IPPO, RFU2, at 2nd IPMFC, ang paghalughog sa pinagtataguan at imbakan ng smuggled cigarettes ng tatlong Chinese national.
Kinilala ang tatlong suspek na sina Wilson Pua, 30-anyos, binata at may-ari ng TD Hotel; Weibin Pan o mas kilala bilang “Michael Pua,” nasa hustong gulang, binata; at Licon Pan, mas kilala bilang “Lisa Pua,” na pawang mga Chinese national na pansamantalang naninirahan sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang Cauayan CCPS hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta at distribusyon ng mga hinihinalang smuggled cigarette products na isinasagawa ng ilang Chinese national sa lungsod.
Sa isinagawang masusing validation, surveillance, at intelligence monitoring ng mga operatiba ay nagpositibo ang impormasyon kaya’t agad silang nakipag-ugnayan sa BIR Regional Office No. 2 para sa pagsasagawa ng kaukulang legal na aksyon.
Sa isinagawang inspeksyon sa dalawang natukoy na silid ng nasabing hotel ay nadiskubre ang 88 kahon ng Bon International Nise Red, 20 kahon ng Modern 100’s Green, 90 kahon ng Bon International Nise Red, at apat na kahon ng Bon International Nise Blue na nagkakahalaga ng P82,713,366.52.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay pansamantalang nasa kustodiya ng BIR Regional Office No. 2 para sa tamang dokumentasyon, disposisyon, at pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga nasabing dayuhan.
Ayon kay PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), ang matagumpay na operasyon ay patunay ng matatag at epektibong koordinasyon ng pulisya at iba pang law enforcement at regulatory agencies laban sa mga organisadong ilegal na aktibidad.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay malinaw na patunay ng ating mas pinaigting na kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad na sumisira sa ekonomiya ng bansa at lumalabag sa batas. Sa ilalim ng PNP Focused Agenda, patuloy nating palalakasin ang law enforcement operations sa pamamagitan ng mas maigting na intelligence gathering at inter-agency collaboration. Mananatiling mapagbantay ang Isabela PPO upang tiyaking mapapanagot ang sinumang lalabag sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan,” ani PCol. Bringas.
Nahaharap ang tatlong Chinese national sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code at Anti-Agricultural Economic Sabotage dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na kalakalan ng tobacco products. (Rey Velasco)