MANILA, Philippines – Nasamsam ng Bureau of Custom (BOC) ang P85 milyong halaga ng meat products sa anti-smuggling operation sa isang warehouse sa Parañaque City.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng BOC na ininspeksyon ng mga awtoridad ang bodega at natuklasan ang malaking dami ng frozen food products kabilang ang duck, chicken, at pork meat.
Ang mga bagay na ito ay minarkahan ng Chinese at iba pang wikang banyaga, ayon sa BOC.
Magsasagawa ang customs examiners ng imbentaryo ng mga kalakal sa presensya ng mga ahente at kinatawan ng Manila International Container Port (MICP), ayon sa BOC.
Sinabi ni BOC chief Bienvenido Rubio na “mahigpit nilang sinusubaybayan at kinokontrol ang mga agricultural imports para maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na produkto na maaaring makasira sa integridad ng ating industriya ng agrikultura.” RNT