MANILA, Philippines- Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group (PDEG) at iba pang law enforcement agents ang tatlong hinihinalang illegal drug dealers, dalawa sa mga ito ang dayuhan, at nasamsam ang halos P9.43 milyong halaga ng iba’t ibang ilegal na droga sa isang operasyon sa Pasay City nitong Miyerkules.
Sinabi ni PDEG chief Brig. Gen. Eleazar Matta na naganap ang operasyon ng alas-5 ng hapon sa Barangay 76, Zone 10, Pasay City.
“This resulted in the successful arrest of two foreign nationals, one Filipino, one native individual subject for follow up operations (at large),” pahayag ng opisyal nitong Huwebes.
Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu, 80 gramo ng cocaine, 71 gramo ng ketamine, 135 gramo ng high-grade marijuana (kush), siyam na piraso ng liquid marijuana, 16 piraso ng liquid Ecstasy, 359 piraso ng Ecstasy, 584 piraso ng Ecstasy na nagkakahalaga ng P9,425,500 at dalawang baril na may bala.
“I highly appreciate the Group’s efforts to continually implement the battle against illegal drugs and encourage them to work hard,” wika ni Matta.
“Isa lang itong patunay na ang PNP DEG ay patuloy na gagampanan ang sinumpaang tungkulin para sa bayan,” dagdag niya.
Dinala ang mga nadakip na suspek at nakumpiskang ebidensya sa PDEG headquarters para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. RNT/SA