MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na umakyat ang pabuya para sa impormasyong magreresulta sa pagkakaaresto sa isa sa mga suspek sa pagpatay sa Chinese businessman na si Anson Que at kanyang driver sa P10 milyon.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na kasado ang pabuya para sa ikahuhuli ng umano’y co-mastermind na si Chinese national Wenli Gong, kilala rin bilang Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling.
“Itinaas na po sa P10 million ang reward kung sino man po ang ang makakapagbigay ng information sa mabilis po na ikakadakip o ikakaaresto ni alias Kelly,” pahayag ni Fajardo sa isang press briefing.
Ang inisyal na pabuya para sa pag-aresto kay Kelly ay P5 milyon.
Tinukoy ng mga pulis ang limang suspek sa pagpatay kay Que at kanyang driver, kabilang ang mga nasa kustodiya na ng mga awtoridad na sina David Tan Liao, Richardo Austria, at Reymart Catequista, at mga tinutugis pang sina Jonin Lin at Kelly.
Sina Liao at Kelly ang umano’y masterminds habang sina Austria, Catequista, at Lin ang mga kasabwat, base kay Fajardo. RNT/SA