Home TOP STORIES Pacquiao, Alyansa sa CamSur residents: Walang maiiwan sa pag-unlad!

Pacquiao, Alyansa sa CamSur residents: Walang maiiwan sa pag-unlad!

Pili, Camarines Sur — Libu-libong Bikolano ang nagtipon noong Marso 7, 2025, upang suportahan ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial slate kasama si dating Senador Manny Pacquiao.

Nagpasalamat si Pacquiao sa matatag na suportang natanggap niya sa kanyang karerang boxing at nangakong ibabalik ito sa taumbayan sa pamamagitan ng kanyang mga panukalang batas. Kabilang sa kanyang legislative agenda ang pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng pag-invest sa agrikultura, pangingisda, at imprastraktura, pagpapalawak ng programa sa kabuhayan para sa maliliit na negosyo at paglikha ng trabaho, at pagbibigay ng libreng pabahay kasabay ng pagpapatibay sa kakayahan ng bansa sa pagharap sa kalamidad.

“Ang laban ko, laban ng bawat Pilipino! At dito sa Bicol, sisiguraduhin nating walang maiiwan sa biyahe ng pag-unlad!” pahayag ni Pacquiao, na binigyang-diin ang kanyang dedikasyon sa tunay at inklusibong pag-unlad para sa Bicol at buong Pilipinas.

Ikinumpara ni Pacquiao ang kanyang paglalakbay mula sa kahirapan patungo sa tagumpay sa pangarap ng bawat masipag na Pilipino, at hinikayat ang lahat na magkaisa sa pagbiyahe patungo sa mas matatag at maunlad na bansa. RNT