Home METRO Pader ng ginagawang bahay sa Makati gumuho; arkitekto patay, 2 sugatan

Pader ng ginagawang bahay sa Makati gumuho; arkitekto patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines- Patay ang isang lalaking architect habang sugatan naman ang kanyang dalawang tauhang trabahador matapos bumigay at mabagsakan ang mga ito ng gumuhong pader na nagsisilbing firewall sa bahay na kanilang ginagawa sa Makati City Biyernes ng hapon, Abril 26.

Hindi na umabot nang buhay nang itinakbo sa pinakamalapit na ospital ang 44-taong-gulang na biktimang architect na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan habang ang isa sa mga trabahador ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos mabagsakan ng gumuhong pader sa likod na hinihinalang nabalian ng buto dahil hindi niya magalaw ang kanyang ulo pati na rin ang kanyang mga paa.

Ang isa pang biktimang trabahador na kinilalang si Gilbert Formaran ay nagtamo din ng sugat sa likod ng kanyang ulo ngunit tumanggi na itong magpadala pa sa ospital.

Base sa report na natanggap ng Makati City police, naganap ang hindi inaasahang aksidente pasado alas-5, Biyernes ng hapon habang ginagawa ng mga biktima ang isang bahay sa Barangay Olympia.

Ayon sa panayam kay Formaran, sa mga oras na iyon ay nagtutupi siya ng mga bakal nang biglang gumuho ang isang bahagi ng pader na may lima hanggang pitong pulgada ang kapal ng semento na nagsisilbing firewall na may kasamang yero at solid na tubo ng scaffolding ang direktang bumagsak sa kanilang tatlo.

Sinabi ni Yulo na nang narinig niyang nagkakagulo sa labas ay nabalitaan niya ang pangyayari at agad siyang nagtungo sa lugar ng pinangyarihan kasabay ng kanyang paghingi ng responde sa Barangay Olympia Fire and Rescue Team habang nagtulong-tulong ang mga residente para maisalba ang mga biktima na natabunan ng gumuhong firewall.

Habang nagbabayanihan sa pagtulong ang mga residente sa lugar ay dumating ang mga tauhan ng Barangay Fire and Rescue Team na pinangunahan ng team leader ng medical operations na si Edgardo Marte, Jr. na agad ring nagpatawag ng technical team sa lokal na pamahalaan para sa mas maayos na pag-alis ng gumuhong pader na dumagan sa mga biktima.

Makaraang maalis ang gumuhong pader na tumabon sa mga biktima ay agad na itinakbo sa ospital ang mga ito kung saan binawian na ng buhay ang biktimang arkitekto.

Dagdag pa ni Yulo na mahigit isang linggo pa lamang sinimulan ang pagtatrabaho sa naturang bahay kung saan binigyan ito ng barangay permit para sa demolisyon ng istruktura dahil nasunog ito nito lamang nakaraang Disyembre 2023 na nais nang ipa-renovate ng may-ari ng bahay na napag-alaman din na kaibigan ng namayapang architect. James I. Catapusan