MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang naging desisyon ng mababang korte na ibasura ang drug case laban sa mga hinihinalang miyembro ng Dragon Wu Drug Syndicate na nasa likod ng operasyon ng shabu laboratory sa Batangas.
Sa 23 pahinang desisyon ng CA eighth division, walang nakitang basehan upang ipawalang-bisa ang hatol ng mababang korte bunsod ng grave abuse of discretion.
Hindi rin maitururing na napagkaitan ng due process ang prosekusyon upang ideklarang null and void ang naging hatol nito.
Magugunita na inabswelto ng Rosario, Batangas Regional Trial Court Branch 87 sina Tian Baoquan, Guo Zixing, Xie Jiangsheng, Hong Dy, Jiang Mingshan, Hong Liangyi, Amancio Gallarde, Rosaleo Cesar, Sanny Baguio, Eduardo Lorenzo at Nestor Baguio dahil sa paglabag sa Section 11 at 8, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ng mababang korte na nabigo ang prosekusyon na maglabas ng ebidensya na direktang sangkot ang mga akusado sa krimen.
Wala rin naipakitang ebidensya na nasa mga akusado ang illegal drugs.
Dagdag ng korte, walang nakitang equipment, makinarya, apparatus, at iba pang kagamitan sa Hingoso Farms na magpapatunay na may produksyon, paghahanda at pagproseso ng shabu.
Gayunman, si Yue Hailong ay napatunayang guilty sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at hinatulan na makulong ng 15 taon. Teresa Tavares