Nagpahayag ng kanyang matinding reserbasyon si Senator Christopher “Bong” Go ukol sa bicameral conference committee report para sa 2025 National Budget.
Sa kanyang manipestasyon sa Senado noong Miyerkules sa pagratipika sa Bicam report, nilinaw ni Go na hindi siya lumagda sa nasabing ulat dahil nais niyang suriin muna ang mga detalye nito hinggil sa reconciled budget.
“Bakit po ako pipirma sa isang dokumento na hindi ko naman po alam ang detalye?” kuwestyon niya.
“Similar to the position of Sen. Bato dela Rosa, nais naming busisiin muna ang mga detalye nito bago pirmahan. Hindi ko pa nababasa ang kabuuan ng report na ito na ipinakita lamang sa amin kaninang umaga,” ang sabi ng senador.
Sinabi rin ni Go na nakakita siya ng ilang probisyon na mayroon siyang reserbasyon, partikular sa ulat na pagtanggal sa panukalang badyet para sa PhilHealth. Pinuna ng senador ang desisyong zero funding sa PhilHealth, sa pagsasabing dapat manatiling pangunahing prayoridad ang kalusugan.
“I just want to manifest my strong reservations on some of the provisions of the bicameral conference committee report which I personally find unacceptable,” sabi ni Go.
Dismayado si Go sa desisyong pagkaitan ng budget allocation ang PhilHealth dahil kritikal aniya ang papel ng ahensiya sa pagbibigay ng healthcare benefits sa mga Filipino.
“As chairman of the committee on health, advocacy ko ang health. Dapat po ang pondo ng PhilHealth ay para sa health. Kaya nga po PhilHealth,” idiniin niya.
Binanggit niya ang mga naging aral noong pandemic kaya dapat mamuhunan sa healthcare. “Katumbas niyan ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya dapat bigyan po natin ng prayoridad ang health.”
Bagama’t aniya mayroong bilyong reserve funds ang PhilHealth, iginiit ni Go mahalagang patuloy na masustina ang subsidiya sa ahensiya para maipatupad ang mga reporma sa sistema nito.
“While we acknowledge that PhilHealth has still billions in reserve funds, sabi nila 500 billion, as discovered and discussed in five hearings conducted by the Committee on Health, subsidy from the national government may still be needed to implement necessary reforms and improvements in its benefit packages.”
“Huwag naman zero budget! Sa huli, mga mahihirap na pasyente na naman ang kawawa diyan,” sabi ni Go.
Nitong mga nakalipas, hindi tumigil si Go sa panawagan sa PhilHealth na palawakin ang benefit packages nito, partikular sa top 10 mortality diseases, pag-increase sa case rates, at pagbasura sa restrictive policies gaya ng 24-hour confinement policy, at i-cover ang karagdagang serbisyo tulad ng dental, optometric, assistive device, at iba pa
“Bigyan sana natin ng maayos at sapat na budget ang PhilHealth at hikayatin ang PhilHealth na i-maximize ang paggamit ng kanilang pondo para sa kanilang mga health-related programs and services,” idiniin ng mambabatas
“Hindi ko alam saan napunta ang PHP 74 billion na dapat sana para sa PhilHealth o para sa health,” idinagdag ni Go. RNT