MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Sandiganbayan ang kahilingan ng Office of the Ombudsman na alisin si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa kanyang kasong graft, na maaaring makaapekto sa plano na gawin siyang state witness sa multibilyong pisong iskandalo sa flood control projects.
Ang kaso ay kaugnay ng umano’y pakikipagsabwatan ni Bonoan kay Senador Jinggoy Estrada upang maisama ang mga flood control project sa 2025 national budget, kung saan umano’y tumanggap ang senador ng P213.7 milyong kickback.
Sa resolusyong inilabas noong Agosto 3, ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang mosyon ng Ombudsman na baguhin ang impormasyon ng kaso upang alisin si Bonoan bilang akusado.
Tutol si Estrada sa mosyon at iginiit na maaapektuhan nito ang kanyang depensa.
Ayon sa korte, ang pag-alis kay Bonoan bilang co-accused ay magbabago sa teorya ng prosekusyon mula sa sabwatan ng dalawa tungo sa pananagutan ng iisang akusado, kaya maaaring maapektuhan ang depensa ni Estrada.
Gayunman, sinabi ng korte na maaari pa ring hilingin ng prosekusyon sa tamang yugto ng paglilitis na gawing state witness si Bonoan, basta’t matugunan ang mga rekisito ng batas.
Ang P213.7 milyon ay bahagi ng umano’y P573 milyong kickback na saklaw ng hiwalay na kasong plunder ni Estrada, na kasalukuyan pang dinidinig.
Patuloy namang itinatanggi ni Estrada ang lahat ng alegasyon laban sa kanya. RNT/MDS